Ilang bansa, nagpahayag ng suporta sa resulta arbitration ruling

by Radyo La Verdad | July 15, 2016 (Friday) | 3266

CHIN
Positibo ang naging pananaw ng ilang bansa sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pumapabor sa Pilipinas.

Kabilang na rito ang Vietnam na isa rin sa mga claimant state sa South China Sea at Japan na nakairingan na rin ng China dahil sa agawan ng teritoryo.

Nanawagan ang dalawang bansa sa China na sumunod sa desisyon ng International Tribunal at iwas anang maging marahas sa pagresolba ng isyu.

Ganito rin ang panawagan ng Australia, New Zealand at India.

Ayon sa kanila, dapat irespeto at sundin ng China at Pilipinas ang desisyon ng PCA.

Labis naman ang tuwa ng America sa inilabas na ruling ang Arbitral Tribunal.

Sinabi nito na malaki ang maitutulong ng arbitration ruling sa pagresolba sa agawan ng teritoryo sa mapayapang paraan.

Naniniwala ang pamahalaan at maging ilang eksperto na makatutulong ang mga suportang ito.

Ngunit may iba namang nagdududa dahil sa pagkakasangkot o involvement ng America sa usapin.

May iba ring naniniwala na kaya lumakas ang military presence ng China sa West Phl Sea ay dahil sa paglalagay ng America ng US troops sa rehiyon.

Ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, kung nais ng bansa na matigil ang ginagawang militarisasyon ng China sa lugar, dapat ding paalisin ang militar ng America roon.

Ilang beses na ring inakusahan ng China ang Amerika ng pakikialam sa agawan ng teritoryo at sinisi pa nito ang bansa sa paglala ng tensyon sa rehiyon.

Ayon kay Proffesor Jay Batongbacal, bagamat malaki rin naitutulong ng america, dapat hindi ito mangunguna sa pagharap sa isyu.

Kailangang din anyang siguruhin ng Pilipinas sa China na hindi dahil sa Amerika kundi sa kapanibangan ng Pilipinas at China kung kapwa susundin ang ruling ng arbitral tribunal.

(Darlene Basingan/UNTV News)

Tags: ,