Ilang bansa, nag-alok ng ayuda para mapuksa ang terorismo sa Mindanao

by Jeck Deocampo | February 1, 2019 (Friday) | 23563
Photo courtesy: Bong Go

Manila, Philippines – Nag-alok ng tulong ang ilang bansa para masugpo ang terorismo sa Mindanao kasunod ng mga nangyaring pangbobomba sa Jolo at Zamboanga.

Tiwala naman ang Malacañang na hindi makakaapekto ang mga nangyaring pambobomba sa Jolo at Zamboanga sa pangalawang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mismong ang international community na ang may nais magpadala ng tulong sa Pilipinas at possible itong tanggapin ng pamahalaan.

Ito ay matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas na puksain ang mga kaaway ng estado.  Pangunahin na rito ang teroristang grupong Abu Sayyaf at maging ang rebeldeng New People’s Army.

Handa aniyang tumulong ang mga bansang tulad ng United Kingdom, Canada, Estados Unidos, China, at Russia upang tuluyang masugpo ang terorismo sa bansa.

Hindi na kinakailangang humingi ng ayuda ang Pilipinas sa ibang bansa upang sugpuin ang terorismo.

“There’s no need for any asking for help, because they are already offering them, those support… weapons for instance, intelligence. So kung ‘yun ang ibibigay sa atin, we will welcome it,” paliwanag ni Panelo.

“Gayunman, wala pang detalye ang Palasyo sa partikular na tulong na ipagkakaloob ng international community,” dagdag niya.

Samantala, sa kabila naman ng magkasunod na pambobomba sa Jolo, Sulu at sa Zamboanga City, tiwala ang palasyo na hindi matatakot bumoto ang mga mamamayan ng Lanao del Norte at North Cotabato sa nakatakdang plebisito kaugnay ng BOL.

Nakatakda ang BOL Plebscite sa Pebrero 6. Nauna na itong isagawa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Isabela City-Basilan at Cotabato City noong Enero 21 bago ang nangyaring pambobomba sa Jolo at  Zamboanga.

“They’re saying na dahil nagkaroon ng pangbobomba, takot na takot ang mga tao. ‘Di ba sabi nila, they’re going with their normal activity. They’re just alert now, vigilant and cautious, but they will vote.”

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , , , , , , ,