Ilang bahagi Visayas Region, niyanig ng magnitude 6.5 na lindol

by Radyo La Verdad | July 7, 2017 (Friday) | 2867


Pasado alas kwatro ng hapon kahapon nang yanigin ng magnitude 6.5 na lindol ang Visayas Region.

Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang sentro ng lindol sa layong labinlimang kilometro hilagang silangan ng Ormoc, Leyte at may lalim lamang na dalawang kilometro.

Pinakamalakas na naramdaman ang lindol sa Ormoc City at Kananga, Leyte kung saan naitala ang intensity 7.

Intensity VI sa Jaro at Capoocan, Leyte, habang intensity V sa Palo, Leyte; Tacloban City; Cebu City at Mandaue City.

Naramdaman din ang pagyanig sa mahigit tatlumpung syudad at munisipalidad sa iba’t ibang panig ng bansa na karamihan ay nasa Visayas Region.

Wala namang inilabas na tsunami warning ang PHIVOLCS ngunit patuloy itong nakapagtatala ng aftershocks.

Dahil sa lindol, naapektuhan ang suplay ng kuryente sa ilang lugar sa Visayas.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines, nagkaroon ng Island-wide blackout sa Samar, Leyte at Bohol.

Saglit ding nakaranas ng power interruption sa Panay at Negros Island at Cebu ngunit agad din itong naibalik sa normal.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang assessment ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa lawak ng naging pinsala ng lindol.

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

Tags: , ,