Ilang alternatibong hanapbuhay, naging susi ng tagumpay ng ilang Pilipino

by Radyo La Verdad | May 2, 2018 (Wednesday) | 3824

Si Nanay Susana ay mahigit nang tatlong dekadang nag-iikot sa mga kalye ng Maynila upang maglako ng iba’t-ibang klase ng sumbrero. Hindi naging hadlang ang kaniyang katandaan upang magsikap para sa pamilya.

Naging daan ang tatlong daang pisong kinikita niya araw-araw para mapagtapos sa pag-aaral ang dalawang anak; isa ito sa itinuturing niyang tagumpay para sa pamilya.

Ang tindero namang si Ricky, tatlong taon nang sumasabak sa pagtitinda. Kwento ni Ricky, dati siyang contractual worker na nais makipagsapalaran sa pamamagitan ng isang alternatibong hanapbuhay.

Hindi naman siya nagsisi at masasabing mas malaki ngayon ang kaniyang kinikita sa maghapong pagtitinda ng kwek-kwek. Sapat na aniya ang kaniyang kinikita para sa pang araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Samantala, ang 65 year old na si Mang Willy ay apat na dekada ng sapatero ng Maynila. Ang limampung piso na nasisingil sa bawat nalilinis na sapatos ay pinagkakasiya niya sa araw-araw na gastos ng pamilya.

Kahit maliit lamang ang kanilang hanapbuhay, sila ay ibinibilang pa rin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mga Pilipinong employed o may trabaho, kung saan noong Oktubre 2017 ay umabot na sa mahigit 41 milyon ang employed sa Pilipinas.

Kabilang na dito ang mga self-employed o may sariling negosyo na pinatatakbo ng pamilya.

Para kina Aling Susana, Ricky at Mang Willy, maliit man o malaki ang kanilang kinikita, ang tiyaga, diskarte at pagiging kuntento sa buhay ang kanilang naging susi upang makamit ang itinuturing nilang tagumpay sa buhay.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,