Ilang ahensya ng gobyerno, nag-inspeksyon sa Laguna lake kaugnay ng ulat na may armadong bantay ang ilang fishpen sa lawa

by Radyo La Verdad | February 10, 2017 (Friday) | 1201


Labing limang istruktura na katabi ng mga pribadong fishpen sa Laguna lake sa sector-a malapit sa Muntinlupa ang ininspeksyon ng DENR at Laguna Lake Development Authority kaninang umaga.

Kasama nila ang ilang pulist at tauhan ng Phil Coastguard para alamin kung totoo ang natanggap nilang ulat na armado ang mga nagbabantay sa mga pribadong fishpen sa lawa.

Ayon sa pamunuan ng LLDA, hindi naman kailangan ng warrant upang mag-inspeksyon sa mga pribadong istruktura dahil bahagi ito ng kanilang mandato na tiyakin ang kapakanan ng mga mararalitang mangingisda.

Bukod sa pagtiyak na walang armas ang mga bantay ng fishpen, paghahanda na rin ang inspeksyon sa susunod na demolisyon sa mga istruktura sa lawa sa February 14.

Muli ring tiniyak ng DENR na tanging large scale fishpens lamang ang babaklasin.

Mahigpit ring ipatutupad ng llda ang moratorium sa aquaculture operation sa Laguna de Bay batay sa inilabas na memorandum noong a-uno ng Pebrero.

Hanggang March 21 lang din ang ibinigay na palugit sa fish pen operators para kusang baklasin ang mga iligal at malalaking fishpens na nasa mahigit 13,000 square meters ang sakop sa lawa.

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

Tags: ,