Ilan sa mga sundalong nakikipagbakbakan sa Marawi City, nagkakasakit na – AFP

by Radyo La Verdad | September 14, 2017 (Thursday) | 3558

Inamin ng Armed Forces of the Philippines na nagkakasakit na sa battle ground ang mga sundalo habang nakikipagbakbakan sa mga teroristang Maute.

Ayon kay AFP spokesperson  Brigadier General Restituto Padilla, 78 sundalo na ang inalis sa battle ground dahil sa sakit na malaria, dengue, leptospirosis at kagat ng aso.

Gayunman, wala naman aniyang dapat na ipag-alala dahil maayos namang nalalapatan  ng lunas ang sakit ng mga ito dahil mayroon  silang medical facilities malapit sa battle ground. Agad ding ini-airlift ang mga sundalong malala ang kondisyon patungo sa pinakamalapit na ospital kagaya sa Cagayan de Oro.

Bagamat, nababawasan ang pwersa sa ground ay hindi naman ito nakaaapekto sa ginagawa nilang paglusob sa kuta ng Maute. Sa katunayan ay bumilis pa ang clearing operations ng militar sa mga gusaling inookupa ng Maute.

Sinabi ni Padilla na noong nakaraang araw ay 23 gusali ang nalinis ng militar mula sa mga IED at terorista, habang 18 naman noong Sabado. Nasa 660 namang terorista ang napapatay ng tropa ng pamahalaan kasama na ang lima noong Martes

 

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,