Hindi inaasahan ng marami sa mga residente sa probinsya ng Pangasinan ang lakas na dala ng Bagyong Ompong. Ilan sa mga pangunahing kalsada naman sa probinsya ay lubog pa rin sa baha.
Isa si Mang Gil ang nakasaksi sa lakas ng Bagyong Ompong nang tumama ito sa Dagupan, Pangasinan. Bagaman sanay na aniya sila sa mga dumadaang bagyo, ngayon lamang ulit sila nakaranas ng kasing lakas ng hangin at ulan na dala ni Ompong.
Si Aling Arsenia naman, sinira ng bagyo ang kaniyang maliit na kabuhayan, ang pagpaparenta ng mga cottage. Sa kita na dalawandaan hanggang tatlong daang piso kada araw, pinagkakasya lamang niya ito sa gastusin nila ng kaniyang tatlong anak.
Bagaman iniwan na ng Bagyong Ompong ang probinsya, nananatili naman ang banta ng patuloy na pagbaha sa ilang bayan ng Pangasinan. Ito ay dahil naman sa pagpapakawala ng tubig mula sa San Roque Dam mula pa noong Sabado.
Sinalo ng San Roque Dam ang mga tubig na umagos mula sa bundok ng Benguet, partikular sa Baguio City kaya mabilis nitong naabot ang critical level na 280 meters.
Dahil sa pagpapakawala ng tubig sa dam, agad naman na tumaas ang mga ilog sa mga bayan tulad ng Santa Barbara, Calasiao at Dagupan, kaya naman apektado ang mga residenteng malapit sa ilog.
Naperwisyo rin ng baha maging ang ilan sa mga eskwelahan. Ang kalsada patungong Dagupan City mula sa Urdaneta ay apektado rin ng baha at hirap ang mga sasakyan na makausad dahil halos hanggang tuhod ang lalim ng baha.
Ayon sa NAPOCOR, posibleng abutin pa ng hanggang katapusan ng buwan bago bumalik sa normal ang level ng tubig sa San Roque Dam.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Bagyong Ompong, NAPOCOR, pangasinan