Ilan sa mga natitirang terorista sa Marawi, ayaw pahuling buhay – AFP

by Radyo La Verdad | October 20, 2017 (Friday) | 2549

Sa taya ng military, hindi na hihigit sa tatlumpu at hindi naman bababa sa dalawampu ang natitirang miyembro ng Maute ISIS group sa Marawi City.

Kakaunti na lamang ang naririnig na putukan sa lungsod subalit ayon sa militar hindi pa rin nagtataas ng banderang puti ang mga terorista.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command Chief Leiutenant General Carlito Galvez may dalawang foreign terrorist pang kasama ang grupo.

Patuloy namang minomonitor ng militar ang isang Abu Dar at ang kaniyang grupo na dati nang nagbalak umanong magpasok ng reinforcement sa mga terorista sa Marawi.

Samatala, 21 indibidwal ang nakuha ng militar kahapon sa main battle area.10 dito ay kumpirmadong dating bihag ng mga terorista.

Pero ang 11, kailangan pang i-validate kung sila ay bihag, kaanak ng mga terorista o mga miyembro mismo ng Maute ISIS group. Nasa 3 hanggang 4 na lamang ang pinaniniwalaang hawak na bihag ng mga kalaban.

Para sa militar isa sa mga leksyon ng Marawi Crisis ang paghandaan ang urban fighting dahil ito na ang nagiging kalakaran ng terorismo sa iba’t-ibang panig ng mundo.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

Tags: , ,