Ilan pang pampublikong sasakyan, maaari ng pumasada sa mga lugar na nasa GCQ simula June 22

by Erika Endraca | June 19, 2020 (Friday) | 4438

METRO MANILA – Tuloy na ang pagbabalik-operasyon ng ilan pang pampublikong sasakyan sa phase 2 o ikalawang bahagi ng pagbubukas ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila.

Sa ilalim ng phase 2 mula Hunyo 22-30, ang mga Public Utility Buses (PUBs) at UV ExpresS ay papayagan nang pumasada pero limitado rin ang pasahero na kapareho ng uri ng transport modes sa ilalim ng phase 1.

“Inaasahan natin ‘yan na sa 22 natin uumpisahan ang kanilang operation. Tinutukoy lang muna ngayon ng ltfrb kung ano-ano ‘yong mga ruta ng uv express.” ani DOTR  Road Sector Senior Consultant Engr. Bert Suansing.

Papayagan na rin ang operasyon ng mga modern jeepney habang sa katapusan pa ng kasalukuyang buwan magsisimulang makakapamasada ang mga tradisyunal na jeepney.

Babyahe ang mga ito sa 104 rationalized routes na natukoy na ng transport sector.

Hindi pinahihintulutan na dumaan ang mga jeep sa itinalagang ruta para sa city buses.

Sa ganitong paraan, inaasahang mababawasan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila.

“Basta’t dinaanan na ng bus, hindi na natin padadaanin si jeepney. So, ang mangyayari diyan, mayroong mga certain routes na hindi naman pwedeng pasukin ng bus because of the size, so, doon tatakbo ‘yong mga jeepneys. Taga subo sila ng pasahero papunta roon sa main thoroughfare.” Ani DOTR  Road Sector Senior Consultant Engr. Bert Suansing.

Para matiyak na may limitadong pasahero ang lahat ng pampasaherong sasakyan, may 1-meter social distance rule ang ipaiiral sa bawat pasahero sa loob ng passenger vehicles na akma sa health protocols.

Magrerekomenda rin ang DOTR ng panukalang batas na layong isaayos ang sweldo at benepisyo ng mga tsuper upang maiwasan ang pangangarera sa kalsada.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,