Ilan pang mga kagamitang pangdigma kontra terorismo mula sa Estados Unidos, naipadala na sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | July 31, 2017 (Monday) | 3182


Na-ideliver na sa Pilipinas ang ilan pang mga kagamitang pangdigma kontra terorismo mula sa Estados Unidos na makatutulong sa nagpapatuloy na operasyon kontra Maute-ISIS sa Marawi City.

Mabilis na naibigay sa pilipinas ang mga kagamitang pangdigma na binili nito sa Estados Unidos upang magamit sa kasalukuyang giyera laban sa mga terorista sa Marawi City.

Kamakailan, nai-deliver na ang higit isang libong 2.75 rocket motors at kulang isang libo ring 2.75 rockets para sa Philippine Air Force. Ito ay sa pamamagitan ng Mutual Logistics Support Agreement sa pagitan ng Pilipinas at US.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Brigadier General Restituto Padilla, gagamitin ang mga ito upang sustinehan ang ginagawang operasyon ng militar partikular na ang airstrikes sa Marawi.

Ayon sa military official, bukod sa mga ni-request na procurement ng Pilipinas sa Amerika, nasa 30 million US dollars na halaga rin ng kagamitang pangdigma naman ang ibinigay nito ng libre. Kabilang na rito ang dalawang brand new cess na aircrafts.

Nagpasalamat naman ang Malakanyang sa mga ibinigay ng Estados Unidos.

Ayon kay Presidential Secretary Ernesto Abella, katunayan ito ng matibay na alyansang militar ng dalawang bansa.

Rosalie Coz / UNTV Correspondent

Tags: , ,