Ilan pang bars sa bansa, target din ng mga susunod na anti-drug operation ng PNP

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 5731

Mahigpit ang gagawing pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) sa iba pang bars, entertainment establishments sa bansa.

Ito ay kasunod ng nadiskubreng talamak na bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa isang bar Makati City noong isang linggo.

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, ilang impormasyon na ang kanilang natatanggap hinggil sa kalakalan ng droga sa mga sikat na bar sa Bonifacio Global City.

Kaya naman ang NCRPO, inatasan na ang mga chief of police at station commanders na makipag dayalogo sa mga may-ari ng bars.

Magpapakalat din ang NCRPO ng mga tauhan na hindi naka-uniporme, upang mamonitor ang aktibidad ng mga sindikato ng iligal na droga.

Dagdag ni Albayalde, bukod sa shabu, posibleng kumakalat na rin ang cocaine at party drugs sa naturang mga establisyemento dahil sinubukan na ng mga sindikatong ipuslit ito sa bansa.

Handa naman ang PNP na humarap sa gagawing imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa pag-aresto ng Makati police sa tatlong abogado sa bar.

Giit ni Albayalde, ginawa lamang ng mga pulis ang kanilang trabaho.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,