Ikalawang Metrowide earthquake drill, isasagawa ng Metropolitan Manila Development Authority sa June 22

by Radyo La Verdad | May 16, 2016 (Monday) | 10185

MON_CARLOS
Eksakto alas nueve ng umaga sa June 22, isang minutong patutunugin ang mga sirena ng bumbero at maging mga kampana ng simbahan sa buong Metro Manila bilang hudyat ng pagsisimula ng ikalawang Metrowide shake drill.

Subalit sa pagkakataong ito, kasama na sa drill ang probinsya ng Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna dahil tatamaan rin ito ng west valley fault.

Ang drill ay pangungunahan ng mga local government unit kasama na ang mga barangay na nasasakupan ng bawat syudad at munisipalidad.

Hinikayat din ng MMDA ang iba’t ibang broadcast stations na makiisa at tulungan sila sa information dissemination upang mas maiparamdam sa lahat ang pagiging makatotohanan ng drill.

Kapag tumunog ang sirena at kampana, inaatasan ang lahat na isagawa ang duck cover and hold at mabilis na magtungo sa ligtas na lugar.

Mahalaga na maipagpalagay ng lahat na may totoong tumama ang isang malakas na lindol

Inaasahang makikiisa ang lahat kabilang na ang mga estudyante at empleyado sa mga kumpanya lalo na sa Makati at Ortigas business district.

Maging ang malalaking shopping malls ay makikiisa rin sa drill at ngayong pa lang ay inihahanda na ng mga mall operator ang sistema upang hindi ito pagmulan sa stampede.

Ngunit higit sa lahat, ang partisipasyon ng mga nasa residential area ang higit na mahalaga sa drill na ito.

Hahatiin ang Metro Manila sa apat na bahagi upang mas maging madali ang pagsasagawa ng evacuation sa mga biktima ng lindol.

Kabilang dito ang Villamor airbase sa pasay bilang south sector, Intramuros sa Maynila bilang west sector, VMMC golf course sa Quezon City bilang north sector at LRT 2 Santolan station grounds sa east sector.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,