Ikalawang bahagi ng fuel excise tax sa Enero, hindi muna itutuloy – Finance Department

by Jeck Deocampo | October 15, 2018 (Monday) | 13385

MANILA, Philippines – Inanunsyo na ng Department of Finance (DOF) ang pansamantalang pagsususpindi simula sa susunod na taon sa pagsingil sa ikalawang bahagi ng dagdag buwis sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na dapat ay magsisimula na sa January 2019. Sa ilalim ng nasabing batas, may dagdag pa na dalawang pisong buwis kada isang litro ng langis o gasoline.

Ayon sa pahayag ng doF, nakapagsumite na ang economic managers ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang konsultasyon sa liderato ng mababa at mataas na kapulungan ng kongreso.

Dagdag pa ng kagawaran, kung sakaling tumaas sa loob ng tatlong buwan ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ng higit sa $ 80 per barrel, sususpindihin na ng pamahalaan ang excise tax increase sa 2019. Ito ay kahit magkaroon ng tinatayang ₱ 40-billion revenue loss o lugi sa kinokolektang buwis ang pamahalaan. Mas isinasaalang-alang anila ng gobyerno ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin sa mga mahihirap na Pilipino.

Masusi ring binabantayan ng Pangulo ang sitwasyon ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado maging ng iba pang mga bilihin.

Batay sa probisyon ng train law, kung aabot ng $ 80 per barrel o higit pa ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwang sunod-sunod, sususpindihin ang nakatakdang pagtaas ng ipinapataw na buwis sa fuel sa first quarter ng 2019.

Ayon sa Finance Department, ang hakbang na ito ay isa sa mga available option na nakikita ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

 

Ulat ni Rosalie Coz | UNTV News

Tags: , , , , , , ,