Ika-pitong batch na mga reformist sa Bahay Pagbabago, nagsipagtapos na

by Radyo La Verdad | February 21, 2018 (Wednesday) | 1190

Isa si Mang Frederick sa dalawampu’t apat na drug dependent na sumailalim sa isang buwang reformation program ng Philippine National Police at lokal na pamahalaan ng San Rafael, Bulacan.

Tatlong taon siyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot bago sumailalim sa programa. Aminado si Frederick na napabayaan niya ang kaniyang pamilya at hanap-buhay nang malulong sa droga.

Tulad ni Frederick, desidido na rin ang dalawampu’t tatlo pang drug reformist na tuluyan nang talikuran ang kinasadlakang bisyo.

Sila ang ikapitong batch ng mga drug reformist na sumailalim sa isang buwang skills training at physical fitness program sa Bahay Pagbabago. Nangangako ang mga ito na hindi nila sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanila. Bukod sa baong mga aral, bitbit rin nila paglabas ng reformation center ang mga bagong skills na natutunan sa tulong ng TESDA.

Nagbabala naman ang PNP na tuluyan silang aarestuhin at ikukulong kung babalik sa pagdo-droga. Patuloy naman ang monitoring ng PNP at lokal na pamahalaan sa mga naunang nagsipagtapos sa reformation center.

 

( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,