Ika-6 na petisyon upang mapawalang bisa ang kontrata sa pag upa ng mga bagong OMR Machine, inihain sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | September 14, 2015 (Monday) | 1607

6th-PETITION
Natanggap na ng Korte Suprema ang ika-anim na petisyon na humihiling na mapawalang-bisa ang kontrata ng Comelec sa pag-upa ng mahigit 93,000 na OMR Machines ng Smartmatic.

Inihain ang petisyon ng isang ofw at isang management expert at hinihiling na magpalabas ang Supreme Court ng TRO upang pigilin ang pagpapatupad sa kontrata.

Ayon kay Atty. Manuelito Luna, abogado ng mga petitioner irregular at pag aaksaya lamang ng pera ng bayan ang desisyon ng Comelec na umupa ng panibagong mga makina sa Smartmatic sa kabuuang halaga na 8-billion pesos.

Ito ay dahil maaari pa namang gamitin ng Comelec ang mahigit 80,000 na PCOS Machines na binili sa Smartmatic at ginamit noong 2010 at 2013 elections.

Sinabi na rin umano ng kumpanyang Dermalog na kaya nilang i-refurbish ang mga PCOS Machine sa loob lamang ng apat na buwan.

Inaakusahan din ng mga petitioner ang Comelec ng matinding kapabayaan dahil hindi nito minantine at ni-refurbish ang mga PCOS Machine na iniimbak lamang sa isang warehouse sa laguna.

Sayang anila ang ibinabayad ng Comelec na 800-thousand peso buwan-buwan para sa inuupahang bodega ng mga PCOS Machine.

Bukod dito, malinaw din umano na may nangyayaring monopolyo dahil mula nang gawing automated ang halalan, lagi na lamang Smartmatic ang nakakakuha ng kontrata ng mga gagamiting makina.

Una nang sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na sakaling ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang kontrata sa Smartmatic, kinokonsidera nilang kunin ang Dermalog upang mag refurbish sa mga lumang PCOS Machine upang magamit sa halalan sa susunod na taon. ( Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: , ,