September 1, 1992 nang pirmahan ng pamahalaan ng Pilipinas at National Democratic Front ang the Hague Joint Declaration sa The Hague, Netherlands.
Sa pamamagitan nina dating Tarlac representative Jose Yap at NDFP Chief Negotiator Luis Jalandoni, pinagtibay ang kasunduang sa pagkakaroon ng pormal na usapang pangkapayapaan ng magkabilang panig.
Partikular na isinasaad sa kasunduan ang mga mahahalagang agenda na kinakailangang pagkasunduan tulad ng Human Rights and International Humanitarian Law, Socio-economic reforms, political and constitutional reforms at pagwawakas ng armadong labanan.
Nagtipon-tipon ang mga peace advocate upang gunitain ang ika-25 anibersaryo nito. Bukod sa people’s organizations, inudyukan din maging ni Senator Loren Legarda ang pamahalaan at National Democratic Front na ituloy ang usapang pangkapayapaan. Kilala si Legarda bilang isa sa mga namagitan sa pagpapalaya ng mga bihag na pulis at sundalo ng New People’s Army.
Ipinanawagan naman ni NDF Founding Chair Joma Sison sa mga kilusang grupo na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng armed wing nito. Ito ay matapos na mabinbin ang usapang pangkapayapaan sa pamahalaan.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)