Ika-13 Malasakit Center bansa, binuksan sa Butuan City

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 5991

Isang one-stop-shop na makakapagpapabilis sa proseso ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na Pilipinong nasa ospital ang binuksan sa Butuan Medical Center noong nakaraang Biyernes.

Ito ang tinatawag na Malasakit Center na panglabintatlo na sa uri nito na binuksan sa iba’t-ibang ospital sa bansa.

Dito tutulungan ang mga pasyente na makakuha ng pinansyal na tulong para sa pambayad sa ospital at pambili ng gamot sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mayroon itong priority lane para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) upang hindi na mahirapan ang mga ito sa pagpila at mahabang proseso.

Ayon kay Special Assistant to the President Sec. Bong Go na nanguna sa launching ng program, walang ibang requirement upang makapag-avail ng tulong mula sa Malasakit Center kundi ang katunayan ng pagiging lehitimong Pilipino.

Aniya, humigit kumulang tatlong milyong piso ang inilaang inisyal na pondo ng pamahalaan sa programa upang mabigyan na kaagad ng ayuda ang mga nangangailangan sa Butuan Medical Center.

Samantala, matapos ang kanyang talumpati kaugnay ng pagbubukas ng Malasakit Center ay binisita ni SAP Go ang ilang pasyente sa ospital at nagbigay ng tulong pinansyal sa mga ito.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,