Ideolohiya ng ISIS, maari pa ring kumalat kahit patay na si Isnilon Hapilon

by Radyo La Verdad | October 23, 2017 (Monday) | 2255

Lumabas sa isinagawang DNA test ng Federal Bureau of Investigation na si Isnilon Hapilon nga ang napatay ng mga sundalo noong madaling araw ng October 16. Ang Abu Sayyaf leader na si Hapilon ay itinuturing na emir ng ISIS sa Southeast Asia.

Pero para sa isang security analyst, hindi natatapos sa pagkamatay ni Hapilon ang problema sa terorismo at extremism sa Pilipinas.

Ayon kay Professor Rommel Banlaoi, may dalawa ang maaring pumalit kay Hapilon. Si Naim Mujahid ng Ansar Khilafa Philippines at Abu Turaipe ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Aniya, hindi tanggap ng marami ang paniniwala ng ISIS pero sinasamantala ng mga recruiter nito ang ilang issue para makahikayat ng miyembro.

Para naman kay Doctor Rebekah Alawi ng Mindanao State University na dumaan sa Islamic at Arabic studies, sumasanib ang ilan sa mga bandidong grupo dahil sa kahirapan. Subalit giit ni Alawi, ang ideolohiya ng ISIS ay bunga ng isang ligaw paniniwala.

Binabantayan naman ng MSU kung may magtatangkang magrecruit sa kanilang mga mag-aaral.

Pero ayon kay Professor Banlaoi, hindi sapat ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law at pederalismo para malutas ang problema sa terorismo dahil hindi iisang armadong grupo lang ang sakit ng ulo ng pamahalaan at kailangang mabigyan ng akmang solusyon ang ugat ng problema.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,