Ibinebentang COVID-19 vaccines, huwag tangkilikin – DOH

by Erika Endraca | July 5, 2021 (Monday) | 2145

METRO MANILA – Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na libre ang lahat ng COVID-19 vaccine sa bansa anomang brand ang mga ito, matapos may maiulat na bentahan umano ng COVID-19 vaccine.

Panawagan ng DOH, huwag pansinin ang sinuman na mag aalok na magbenta ng nasabing bakuna.

“Sa Local Government Units lang o sa National Govt Unit kayo po hihingi o magpapalista ng pagbabakuna. Huwag kayong bibili sa ibang tao dahil wala silang pagkukunan ng bakuna iyan because it is just the national government which can access these vaccines for now.” ani DOH Spokesperson Usec Maria Rosario Vergeire.

Nakikipagtulungan na ang DOH sa National Bureau of Investigation (NBI) upang mahuli ang mga sangkot sa pagbebenta ng COVID-19 vaccines.

Gayundin ang pagtukoy kung saan nila kinukuha ang mga ibinebentang bakuna.

“Ako ay nalulungkot na ba’t kailangan magkaroon ng mga ganitong pagkakataon na people are taking advantage of what we have right now. Kulang na kulang na tayo sa resources, so, sana po ang ating mga kababayan maisip nila kailangag kailangan ng ating mga kababayan itong mga bakunang ito. Huwag ho natin samantalahin itong mga opportunity na ganito. Ito ay binibigay ng libre ng ating gobyerno at hindi ito for sale.” ani DOH Spokesperson Usec Maria Rosario Vergeire.

Panawagan ng health authorities isumbong sa kanilang hotline o mag- email sa Food and Drug Administration (FDA) kaugnay ng mga nag- aalok at nagbebenta online ng COVID-19 vaccines upang makumpiska at mapatawan ng parusa ang mga mapapatunayang may paglabas sa batas.

Sa kasakuyan, 17.4 Million doses na ng COVID mula sa Sinovac, AstraZeneca, Pfizer, Moderna at Gamaleya ang dumating sa Pilipinas.

As of June 27, mayroon na ring 7.5 Million na kabilang sa A1 hanggang A5 sector ang nakatanggap ng kanilang first dose.

2.5 Million naman sa kanilang hanay ang fully vaccinated na.

Target na pamahalan na mabakunahan ang nasa 58 Million na mga Pilipino hanggang matapos ang taong 2021 upang maabot ang population protection.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: