Mula pa noong Setyembre ay hindi na pinahintulutan ng Office for Transportation Security na hawakan ng mga screener ang bag ng mga pasaherong pumapasok sa airport.
Isa ito sa mga hakbang na ginawa ng OTS upang maiwasan ang di umano’y paglalagay ng bala sa bagahe ng mga pasahero sa NAIA.
Nito lamang lunes, nagdagdag ng cctv ang Manila International Airport Administration sa iba’t ibang lugar sa paliparan partikular na sa initial check in area.
Pahihintulutan rin ng MIAA na magkaroon ng access ang mga pasahero sa mga cctv kung sila ay mayroong reklamo o sumbong.
Bukod dito ay maglalagay ng tv monitor ang MIAA sa lahat ng mga gate sa mga terminal na nagpapakita ng mga larawan ng bawal dalhin sa loob ng paliparan.
Subalit sa kabila ng mahigpit na screening procedure sa airport mayroon pa ring nahuhuli na may dalang live ammunition o baril.
Noong 2014 umabot sa 1,510 ang nahulihan ng armas at bala sa buong NAIA Complex samantalang ngayong taon, nasa 1,212 lamang ang nahulihan mula Enero hanggang Setyembre.
Ngayon myerkules, isa na naman ang nahulihan nang bala sa bagahe.
Ayon sa batas, kapag ang isang pasahero ay nahulihan ng armas o illegal items maaari siyang makulong ng anim hanggang labing dalawang taon.
Syon sa DOTC, mas mahigpit ang parusa sa ibang bansa gaya sa Ireland na kung saan maaaring makulong ng labing apat na taon ang sinomang mahuhulihan ng bala. (Mon Jocson / UNTV News)