Tuloy na tuloy na ang Metro-wide earthquake drill bukas ng umaga.
Mas maraming mga scenario ang inihanda ng MMDA upang mas maging makatotohanan ang earthquake drill.
Nanawagan ang MMDA sa publiko na makiisa dahil bahagi na rin ito ng paghahanda sakaling tumama ang isang malakas na lindol.
Hinikayat ang lahat na alamin ang pinakamalapit na open space sa kanilang lugar upang magsibing evacuation site.
Nilinaw ng MMDA na ang apat na quadrant ay hindi evacuation site kundi mga sub-task force para sa buong Metro Manila.
Sa pamamagitan nito mas magiging mabilis ang responde at pagbibigay ng tulong para sa lahat.
Ang VMMC ang magsisilbing sub-task force sa Quezon City, San Juan at Mandaluyong.
Sa Villamor airbase naman ang para sa Makati, Pasay, Pateros, Paranaque, Taguig, Las Piñas at Muntinlupa .
Ang taga Marikina at Pasig ay sa LRT2 train depot.
Habang sa Intramuros Golf Club naman ang Valenzuela, Malabon, Navotas, Caloocan at Manila.
Ang ilang pribadong kumpanya ay magsasagawa rin ng kanilang sariling bersyon ng earthquake drill.
Ang LRT line 1 ay magsasagawa ng derailment scenario sa central station.
Looting o nakawan na scenario naman sa mga SM mall, magkakaroon rin ng high angle rescue sa ilang mga gusali sa Makati at Ortigas business district.
Isasara ang northbound lane ng Guadalupe bridge simula 6am hanggang 11am, lahat ng apektadong motorista ay pinapayuhang dumaan sa C-5 via Kalayaan Avenue at McKinley road.
Para naman sa mga motorista na aabutan ng drill bukas, pinapayuhan na ihinto ang sasakyan at agad na lumayo sa matataas na bagay na maaaring bumagsak.
Kailangan namang makaalis agad ang mga motorista na nasa tulay at loob ng tunnel.
Kasama rin sa drill bukas ang mga kalapit bayan na maapektuhan ng paggalaw ng West Valley Fault.
Kabilang dito ang Rizal, Cavite, Bulacan at Laguna.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)