Iba’t-ibang rescue equipment ng MMDA, inihanda na para sa posibleng epekto ng Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 12, 2018 (Wednesday) | 2962

Naghahanda na ang mga residente ng Barangay Roxas District sa Quezon City sa posibleng epekto ng Bagyong Ompong sa Metro Manila. Madalas binabaha ang lugar tuwing may malakas na ulan.

Pero ang mga residente, hindi umano basta basta lilikas kahit na umapaw ang tubig sa kalapit na creek.

Bilang paghahanda sa epekto n bagyo, ipinatawag naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga rescue unit ng 17 local government sa Metro Manila.

Ayon sa MMDA, inalerto na nila ang mga rescue unit upang agad na makaresponde sa anomang sakuna.

Bukod dito, nakapwesto na rin sa mga istasyon ng MMDA ang iba’t-ibang rescue equipment na gagamitin sakaling kailanganing ilikas ang mga residente sa ilang lugar.

Nakahanda na sa MMDA MetroBase ang kanilang rescue at fire truck gayundin ang mga ambulansya. Pati mga rubber boat, emergency lights at mga first aid treatment kit ay naiposisyon na rin sa pitong istasyon ng MMDA.

Ipinag-utos na rin ng MMDA ang pansamantalang pag-aalis ng mga istruktura na posibleng liparin at maperwisyo kapag lumakas ang hangin.

Tiniyak rin ng MMDA na nakahanda ang mahigit sa 50 pumping stations sa Metro Manila upang mas mapabilis ang paghupa ng baha, sakaling lumakas ang buhos ng ulan.

Samantala, inirekomenda na rin ng MMDA na pagpapaliban ng pagsasara ng Old Sta. Mesa Bridge sa Sabado.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,