Tinatayang aabot sa sampung libong indibidwal ang lumahok sa isinagawang demonstransyon sa Batangas City upang tutulan ang pagpapatayo ng coal-fired power plants at coal mining sa bansa.
Ayon kay Lidy Nacpil, ang coordinator ng Asean People’s Movement on Climate Justice, malaki ang naiiwang pinsala sa kalikasan ng coal mining at mga planta kaya dapat itigil na ang operasyon nito sa bansa.
Kabilang sa mga nag-protesta ay ang grupo ng Philippine Movement for Climate Justice, Greenpeace at Aksyon Klima.
Isinusulong din nila ang paggamit ng renewable energy gaya ng solar power sa halip na uling na may hindi magandang dulot sa kalusugan.
At kasabay ng nalalapit na halalan, nanawagan rin sila sa mga botante na isipin at piliin ang mga kandidatong may maayos na plataporma para sa conservation ng kalikasan at pagpapatigil sa pagtatayo ng coal-fired power plant.
(Vincent Octavio / UNTV Correspondent)