Iba’t ibang grupo, nagprotesta sa Korte Suprema upang ipanawagan na ipawalang bisa ang EDCA

by Radyo La Verdad | November 11, 2015 (Wednesday) | 1581

BAYAN
Mula sa Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN ang iba’t ibang grupo nagprotesta sa Korte Suprema upang ipanawagan ang pagpapawalang-bisa sa EDCA o ang Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, nabahala sila sa lumabas na ulat sa ilang pahayagan na nakatakdang pagtibayin ng Korte Suprema ang legalidad ng nasabiing kasunduan.

Duda rin ang grupo sa timing ng deliberasyon ng kataas taasang hukuman dahil itinaon anila ito bago ang APEC Summit sa susunod na linggo.

Giit ni Reyes, ang Amerika lamang ang makikinabang sa EDCA at dehado dito ang Pilipinas.

Pinapayagan sa ilalim ng EDCA ang Estados Unidos na magpadala ng kanilang tropa at mag imbak ng mga kagamitang pandigma sa Pilipinas.

Isa ang grupong bayan sa mga nagpetisyon sa Korte Suprema upang mapawalang bisa ang kasunduang militar na nilagdaan ng Pilipinas at Amerika dahil sa umano’y labag ito sa soberanya ng bansa, bukod pa ang umano’y sari saring paglabag nito sa mga probisyon ng saligang-batas.

Ayon pa kay Reyes, sinasang-ayunan nila ang posisyon ni Senador Miriam Santiago na isang treaty ang nasabing kasunduan na kailangan munang pagtibayin ng Senado bago ito maipatupad.

Kasama ang EDCA sa tinalakay sa en banc session ng Korte Suprema ngayon martes ngunit hindi ito napagbotohan ng mga mahistrado. ( Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , ,