Iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, nagtutulungan upang matukoy ang nagleak ng COMELEC data – DOJ

by Radyo La Verdad | April 27, 2016 (Wednesday) | 2290

SECRETARY-CAPARAS
Iniimbestigahan na rin ng Department of Justice ang nangyaring leakage ng sensitibong impormasyon ng mga botante noong nakaraang Linggo.

Ayon kay DOJ Secretary Emmanuel Caparas.,nakikipagtulungan na sa kanila ang COMELEC at mga security agency ng pamahalan sa imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nagleak ng impormasyon na hinihinalang isang Filipino hacker.

Kinumpirma rin ng DOJ na may mga foreign agency na lumapit na rin sa kanila upang tumulong tulad ng US Department of Justice at Information and Communications Technology Office.

Tikom naman ang bibig ni Caparas kung sino pa ang ibang foreign entities na lumapit sakanila at kung ano ang papel ng US DOJ sa imbestigasyon.

Ang tanging sinabi lamang ng Justice Secretary na minsan sa mga kaso ng cybercrime, kinakailangan ng international cooperation.

Natuklasan kamakailan lamang ng COMELEC na nasa ibang bansa ang domain at hosting ng website na pinaglagyan ng mga leaked information.

Ayon sa DOJ, isa ito sa mga tinitignang anggulo kasama na ang posibilidad ng paggamit ng mga leaked information sa identity theft.

Itinanggi naman ng DOJ ang napabalitang dinown-load ng Malakanyang ang mga sensitibong impormasyon.

Ayon sa DOJ, ilegal ang paggamit o pagkuha ng mga nakaw na impormasyon.

Hinikayat din ni Caparas ang publiko na maging mapagmatyag kaugnay ng mga hacking incident, at ireport agad sa mga otoridad.

Siniguro naman ng DOJ na hindi maapektuhan ng naturang hacking at data leak incident ang integridad ng eleksyon.

(Darlene Basingan/UNTV NEWS)

Tags: ,