Iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, naghahanda na para sa SONA ng Pangulo

by Radyo La Verdad | July 13, 2018 (Friday) | 5383

(File photo from PCOO FB Page)

 

Inikot nina Senate Sec. Myrna Villacira, House Sec. Gen. Cesar Pareja at House Sergeant at Arms Roland Detabali ang loob ng Kamara kahapon. Ininspeksyon nila ang mga lugar na dadaanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mismong araw ng SONA.

Ayon kay House Sergeant at Arms Detabali, wala man silang bantang natatanggap, maghihigpit pa rin sila sa seguridad.

Ang bagong direktor ng SONA na si Joyce Bernal, ininspeksyon na rin ang loob ng plenaryo.

Ayon kay Sec. General Pareja, may ilang pagbabago sa programa dahil ngayon ay may choir na aawit ng pambansang awit na mula sa Tagum City.

Nagpadala na sila ng mga imbitasyon sa mga nagdaang Pangulo. Kasama rin sa inimbitahan si Vice President Leni Robredo.

Tatlong libong bisita ang inaasang dadalo sa SONA. Filipino at Spanish food ang ihahanda.

Muling pinaalalahanan ni Pareja ang lahat ng dadalo ng SONA na magsuot lamang ng simpleng damit.

Samantala, abala na rin ang Makabayan Bloc kasama ang iba’t-ibang grupo sa kanilang paghahanda sa isasagawa nilang peoples SONA at malawakang kilos protesta kasabay ng ika-3 SONA ni Pangulong Duterte.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,