Iba pang mga establisyimento sa Boracay, nanganganib nang ipagiba sa ilalim ng 60-day rehab plan

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 5397

Hinihintay na lamang ng Department of the Interior and Local Government ang desisyon ni Pangulong Rodirgo Duterte kaugnay ng planong 60-day rehabilitation plan sa Boracay.

Sa ilalim nito, magpapatupad ng anim na pung araw na moratorium sa operasyon ng mga business establisment sa Boracay, ito ay upang maisaayos at maibalik sa dati nitong ganda ang isla.

Ayon kay DILG Assistant Secretary for Plans and Programs Epimaco Densing, kung ito ay matutuloy, tiyak na maraming establisyimento rin ang gigibain dahil sa paglabag sa environmental laws.

Batay sa plano, magsisimula ang 60-day rehab sa ika-1 ng Hunyo hanggang ika-31 ng Hulyo, batay na rin sa naging konsultasyon ng Department of Tourism sa mga stakeholder.

Nakiusap na rin ang DILG sa mga negosyante sa Boracay na makipagtulungan sa pamahalaan.

Ayon pa kay Densing, inaalam na rin nila ang mga posibleng maapektuhan sa pansamantalang pagsasara ng Boracay para sa assistance program na ibibigay sa mga ito.

Una nang nagbanta si Pangulong Duterte na ipapasara ang resort island kung mabibigo ang mga ahensya ng pamahalaan na linisin ito sa loob ng anim na pung araw.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,