METRO MANILA – Magkakaroon ng rekomendasyon ang mga eksperto kaugnay ng polisiya sa pagpapahintulot na makalabas ng bahay ang mga batang edad 5 pataas sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ngayong araw (July 22) nakatakdang pag-usapan ito Inter-Agency Task Force Against COVID-19.
Bunsod ng banta ng mas nakahahawang Delta variant sa bansa, nirekomenda ng Metro Manila mayors na suspindihin muna ang polisiya.
“Matagal ko na pong sinasabi na napakahirap na balewalain ang mga suhestiyon ng mga alkalde na nagpapatupad po ng IATF policies. So ang alam ko po, nag-meeting na ang mga dalubhasa, magkakaroon po sila ng recommendation. Pero sa Huwebes po gagawin ang IATF meeting tungkol dito sa bagay na ito.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Samantala, tiniyak naman ng palasyo ang pagkakaloob ng tulong mula sa gobyerno para sa mga lubhang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) partikular na sa Iloilo City, Iloilo Province, Cagayan De Oro City at Gingoog City sa Misamis Oriental.
“So sa mga taga-Iloilo province, Iloilo City, Cagayan De Oro, Gingoog, hindi po kayo nakakalimutan ng presidente. Magbibigay po sa takdang panahon ng ayuda. At siguro naman po iyan ay hindi bababa sa ayudang ibinigay doon sa mga hindi nakapagtrabaho dito sa Metro Manila noong huling nasa ECQ po ang Metro Manila.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Nang magpatupad ng ECQ sa NCR Plus noong Abril, naglaan ng P22.9-B na halaga ng pondo ang pamahalaan para sa 22.9 Million low-income Filipinos.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Delta Variants, IATF