IATF, di pa nirerekomendang magpatupad ng hard lockdown

by Erika Endraca | July 28, 2021 (Wednesday) | 3858

METRO MANILA – Umapela ang Malacanang sa lahat na paigtingin ang pag-iingat at ang preventive measures laban sa mas nakahahawang Delta variant.

Ito ay upang maiwasan ang lubhang pagkalat ng sakit at muling mapilitang magsara ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa ngayon, wala pang rekomendasyong magpatupad ng hard lockdown.

Kasunod ito ng ulat na pagtaas na naman ng naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, kabilang na ang Metro Manila.

“Wala pa pong recommendation for hard lockdown dahil ang importante po total health. Binabalanse po talaga natin iyan. Iwasan natin ang pagkalat pero ngayon po, mas importante iyong prevention. Huwag na po nating hintayin mawalan tayo uli ng hanapbuhay. Mag-ingat na po tayo ngayon nang sa ganoon magpatuloy po tayo ng ating hanapbuhay at siyempre po, magpabakuna na.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, tuwing pagkatapos na ng 2 Linggo ang pagpapatupad ng bagong round ng quarantine classification sa bansa upang lalong matutukan ang COVID-19 situation.

Kung kakailangan, hindi naman magdadalawang-isip ang pamahalaang paigtingin ang quarantine restrictions.

“Kung dati po ay nasasanay tayong monthly ang ating quarantine classification, ngayon po, ginagawa nating at least every two weeks pero every week po minomonitor natin and we will not hesitate to impose stricter lockdowns dahil alam naman natin yan lang po ang sagot and at the mean time po, we realize that what we are aiming for is total health of the population, controlling the spread of new delta variant at the same time, preventing po ang pagkagutom ng ating mga kababayan.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Pinaghahandaan na ng pamahalaan ang worst case scenario kaugnay ng mas nakahahawang Coronavirus Delta variant.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,