Hybrid electric train ng DOST, opisyal nang umarangkada sa linya ng PNR

by Radyo La Verdad | May 6, 2019 (Monday) | 19235

METRO MANILA, Philippines – Nagsimula nang bumiyahe sa linya ng Philippine National Railways ang pinakabagong hybrid electric train na 100 percent gawang pinoy. Mismong ang mga engineer ng Department of Science and Technology ang bumuo at nagkonsepto ng disenyo at sistema nitong hybrid electric train.

Ito ang unang pagkakataon na bibiyahe ang hybrid electric train na mayroong sakay na pasahero. Bahagi ito ng isinasagawang validation test, na kinakailangang makumpleto sa loob ng 150 hours.

Mayroong dalawang power source ang hybrid electric train. Sa pamamagitan ng battery at generator magkatuwang nilang papatakbuhin ang tren kaya’t mas makakatipid ito sa konsumo ng diesel.

Binubuo ito ng 4 na bagon, fully-airconditioned at mayroong mga CCTV. Kaya nitong tumakbo sa bilis na 60 hanggang 80 kilometer per hour. Polycarbonate na rin ang materyales na ginamit sa bintana nito, kaya’t hindi madaling mabasag sakaling batuhin. Kaya nitong makapagsakay ng pito hanggang walong daang pasahero kada biyahe.

Umabot sa limang taon bago natapos ng DOST ang komposisyon ng hybrid electric train na nagkakahalaga ng 120 million pesos.

Sa ngayon ay libre pang makakasakay ang mga pasahero sa hybrid electric train. Tatagal ang libreng sakay hanggang sa May 23, kasabay ng isinasagawang validation test.

Bibiyahe pa lamang ang hybrid electric train ngayon mula Alabang hanggang Calamba, Laguna station.

Kumpara sa pangkaraniwang tren,mas malawak, malinis at malamig ang bagong hybrid train.

Sakaling makapasa, isasalang na ng PNR itong train sa kanilang revenue operations.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,