Humigit kumulang 10 libong mga TNVS na hatchback, ipagbabawal na ng LTFRB sa Marso

by Radyo La Verdad | January 17, 2018 (Wednesday) | 6174

Ipagbabawal na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang lahat ng mga Transport Network Vehicle Service na hatchback na may makinang 1200 CC pababa simula ngayong Marso.

Ayon sa LTFRB, hindi sumunod sa proseso ang mga Transport Network Company sa nakasaad sa probisyon para sa mga TNVS. Sa tala ng LTFRB, mayroong humigit kumulang sampung libong mga hatchback na rehistrado sa Grab at Uber na mawawala simula Marso.

Papayagan naman ng LTFRB na makapag-apply ng dropping and substitution ang mga operator upang makapagpatuloy sa kanilang trabaho. Ipinunto ng LTFRB na hindi angkop para sa public transport ang mga hatchback dahil lubha itong maliit lalo na para sa mga malalaking pasahero at mga bagahe.

Tutol naman dito ang ilang operator ng hatchback na TNVS gaya ni Rowell Talaue. Aniya, wala namang pinipili ang aksidente, maliit o malaking sasakyan.

Samantala, uumpisahan na rin ng LTFRB ang paglalagay ng mga stickers sa mga TNVS. Ang mga stickers ang magsisilbing pagkakakilanlan ng mga TNVS mula sa mga pribadong sasakyan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,