Human Rights Victims Claims Board, sasalain ang mahigit sa 75 libong Martial Law Victims na gustong makakuha ng kompensasyon

by Radyo La Verdad | June 9, 2015 (Tuesday) | 1156

SARMIENTO
Dadaan pa sa pagsusuri ang aplikasyon ng mga biktima ng Martial law na gustong makakuha ng kompensasyon.

Ayon kay Human Rights Victims Claims Board Chairperson Lina Sarmiento, mahigit sa 75 libo (75,537) ang aplikanteng kanilang natanggap sa pagwawakas ng extension sa pagsusumite ng application nito lamang Mayo.

Mas madaling pumasa sa pamantayan ng Claims board ang may mga dokumento gaya ng release papers, news clippings, documentation at court records.

Ayon naman kay Former Deputy Speaker Lorenzo “Erin” Tañada III, dapat na matiyak na ang isang aplikante ay lehitimong biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Si Tañada ay isa sa mga Principal author ng Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.

Siya rin ang Chairman ng House Committee on Human Rights na tumutok sa pagsabatas nito.

Gagamit ng point system ang Claims board sa pamamahagi ng 10 bilyong piso sa mga lehitimong biktima ng human rights depende sa pinsala o parusang kanilang tinamo.

Nakikipag-ugnayan na rin ngayon ang Claims board sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para sa iba pang benepisyo na ipagkakaloob sa mga biktima. (Rey Pelayo/UNTV News)

Tags: ,