Huling SONA ni Pres. Duterte, pinakamahabang Post-Edsa SONA

by Erika Endraca | July 27, 2021 (Tuesday) | 6615
Photo Coutesy: Presidential Photos

METRO MANILA – Tumagal ng 2 oras at 45 minuto ang ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon (July 26).

Mas mahaba ito ng 30 minuto sa 2015 SONA ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ibig sabihin, ito na ang pinakamahabang ulat sa bayan ng isang presidente pagkatapos ng EDSA People Power Revolution.

Unang sinabi ng Malacanang na tatagal lamang ng 1 oras ang SONA kung hindi mag-aadlib ang Punong Ehekutibo.

Sinimulan ng Presidente ang talumpati sa pag-amin na tunay na mapanghamon at humbling ang magsilbi sa mga kababayan.

“I bore no illusion that steering the nation towards a comfortable life for every Filipino would be easy. Indeed, the past five years have truly been challenging and humbling.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, nabanggit naman ng Punong Ehekutibo ang mga nagawa ng pamahalaan sa nakalipas na 5 taon.

Tulad ng paglaban sa iligal na droga, kriminalidad, katiwalian, mga rebeldeng komunista, gayundin ang mga nagawang proyektong imprastraktura, pagsusulong ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, isyu sa West Philippine Sea, mga panukalang batas na hinihiling niya sa kongresong maipasa, pandemic response at iba pa.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Duterte na kung mayroon man siyang ipinagmamalaki, ito ay ang hindi niya paghinto na isulong ang mga hakbang na makabubuti para sa mas nakararami.

“I stand here before you today bearing no conceit, but if there is one thing that I could be proud of is that not once did I waver in doing the unpopular even if it meant upholding the greatest good for the greatest number” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,