Huling bahagi ng wage increase sa Caraga Region, matatanggap na ngayong buwan

by Radyo La Verdad | May 2, 2018 (Wednesday) | 2914

Sapat lang sa pang araw-araw na gastusin ni Dannylyn ang tatlong daang pisong kada araw na sahod bilang cashier sa  isang convenience store. Ngunit kahit wala pang asawa at anak, madalang siyang makabili ng mga gusto niya.

Ganito rin ang sitwasyon ni Daisy na pilit umanong pinagkakasya ang naturang halaga para sa gastusin ng pamilya.

Kaya naman laking pasalamat nila dahil ipatutupad na ngayong buwan ang huling bahagi ng inaprubahang wage increase sa Caraga Region.

Unang ibinigay ang sampung pisong dagdag sahod noong Disyembre 2017 na sinundan uli noong Pebrero at ngayong Mayo ay limang piso ang madadagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa rehiyon.

Sa ngayon, 305 piso na ang arawang minimum wage sa Caraga Region.

Ngunit ayon sa Department of Labor and Employment Caraga, nasa 70% palang ng business stablishments sa rehiyon ang tumutupad sa minimum wage order na ito.

Kaya nagbabala na ang DOLE na mahigpit nilang binabantayan ang 30% na hindi pa nagbibigay ng tamang pasahod.

Sa ngayon ay nasa 300 manggagawa na ang natulungan ng DOLE na makakuha ng tamang wage rate sa rehiyon.

Exempted naman sa kautusang ito ang mga bago pa lamang bukas na negosyo, ang mga nalugi na o naapektuhan ng kalamidad.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,