Kuhang-kuha ng UNTV drone kung paanong nilalamon ng apoy ang HTI factory sa economic zone sa Cavite noong February 9.
Umabot sa 56 na truck ng bumbero ang nagtulong-tulong upang mapatay ang sunog na umabot sa task force delta dahil sa lakas ng apoy.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Economic Zone Authority, wala silang nakitang paglabag ng kumpanya dahil aksidente lamang anila ang nangyari.
Ang factory ay gumagawa ng mga materyales na ginagamit sa pagbuo ng mga bahay sa Japan.
Ang PEZA ang may hurisdiksyon sa pamamahala sa mga economic zone sa bansa kasama ang kaligtasan ng mga nagtatrabago dito.
2 beses anila silang nagsasagawa ng inspeksyon sa HTI at noong July 2016 ang pinakahuli.
Lagi naman anilang nakakapasa sa safety compliance ang kumpanya at sa katunayan ang laging nananalo sa mga fire drill ang HRD Group of Companies na kinabibilangan ng HTI.
Subalit ang associated labor unions, isinusulong na maibalik sa Dept. of Labor and Employment ang kapangyarihang makapagsagawa ng surprise inspection sa mga malalaking pabrika upang matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado nito.
Plano narin ng DILG na magsagawa ng inspeksyon sa nasunog na planta.
Sa ngayon ay plano pa ng PEZA na magdagdag ng mga tauhan gaya ng fire marshals at mga fire truck.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)