Tumagal ng halos 14 na oras ang isinagawang Executive Session ng House Committee on Peace, Reconciliation and Unity kaugnay ng engkuwentro sa Mamasapano.
Pasado alas-dose na ng madaling araw kanina nang mag-adjourn ang private session kung saan pinag-usapan ang mga sensitibong detalye sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 PNP-SAF Commandos.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte JR., natalakay rin sa pagdinig ang ilang katanungan kaugnay ng SAF officials na kasama sa operasyon pati na ang ilang paglilinaw sa final report ng PNP Board of Inquiry.
May mga bagong impormasyon din umanong lumabas sa sesyon na nagbigay-linaw sa ilang bahagi ng insidente.
Ayon kay Belmonte, kuntento siya sa naging takbo ng executive session ngunit kung si Alliance of Concerned Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang tatanungin, hindi kumpleto ang pagdinig hangga’t hindi sinasagot ni Pangulong Aquino ang ilang katanungan sa isyu.
Samantala, sinabi ni House Speaker Belmonte na agad na nilang isasagawa ang pagtalakay sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) kahit wala pang inilalabas na Committee Report hinggil sa Mamasapano encounter.
Target nila itong simulan sa darating na April 20.
Inaasahan na ni Belmonte na hindi lahat ay magiging kuntento sa resulta ng pagdinig ngunit binigyang-diin niya na dito na natatapos ang pagdinig ng kongreso sa Mamasapano incident.
Tags: Alliance of Concerned Teachers Party-list Representative Antonio Tinio, House Speaker Feliciano Belmonte JR, Pangulong Aquino