House panel, inirekomenda na suspendihin ang IATF resolution ukol sa “no vaccine, no work” policy

by Radyo La Verdad | December 3, 2021 (Friday) | 6243

Dininig ng House Committee on Labor and Employment ang resolusyon na kumukwestiyon sa implementasyon ng no vaccine, no work, no vaccine, no pay policies ng private establishments at government offices.

Ilan sa mga grupo mula sa iba’t ibang sektor ang nagpahayag ng pagtutol sa naturang polisiya.

“Ito po ay anti worker para sa amin, hindi po ito makakatulong,” pahayag ni Jerome Adonis, Secretary general, Kilusang Mayo Uno.

“The doctor already admitted that even you are vaccinated you can still get and spread the virus, why we should discriminate between the vaccinated and unvaccinated, ” ani Francis Abraham, founding member, Concerned Doctors and Citizens of the Philippines.

Batay sa IATF resolution numbers 148 at 149 na may petsa na November 12 at November 18, inuutusan ang lahat ng establisyimento at employers na i-require ang kanilang mga on-site workers na magpabakuna.

Hiniling ni House Panel Vice Chairman at TUCP Partylist Representative Raymond Mendoza na suspendihin ang IATF resolusyon dahil nagdudulot lang aniya ito ng pagkalito sa labor at employment sector.

“Number 1 it’s illegal, number 2 if that will be legalized it has to come from us, which is congress,” ayon kay Rep. Raymond Mendoza,TUCP, partylist

Dahil dito, nagdesisyon ang committee chair na irekomenda sa IATF na suspendhin ang naturang mga resolusyon ng IATF.

“So the committee on labor will now write a letter to formally request them to immediately suspend the IATF resolution 148b and 149,” pahayag ni Rep. Eric Pineda, Chairperson, House Committee on Labor and Employment.

Nel Maribojoc | UNTV News

Tags: , , ,