House of Representatives, pinag-aaralan na ang panukalang batas na magre-regulate sa pagbili ng sasakyan kung walang parking space

by Radyo La Verdad | September 23, 2015 (Wednesday) | 3530

grace_kamara
Sinimulan na ang pagdinig sa panukalang batas na nalalayong iregulate ang pagbili ng mga sasakyan lalo na kung walang sariling parking space.

Nakapaloob sa house bill no. 5098 na kailangan munang magpakita ng katunayan na mayroon maayos na paradahan bago payagang makabili ng sasakyan ang sinoman.

Ayon kay Valenzuela Rep Sherwin Gatchalian, ang may akda ng panukalang batas, layunin nito na mabawasan ang mga sasakyan na naka-park sa mga kalye na nagiging sagabal sa mga motorista at pedestrian.

Inihalimbawa ng mababatas ang proof of parking rule sa Japan kung saan kailangan munang kumuha ng parking space certificate ang mga motorista upang maiparehistro ang sasakyan.

Ibig sabihin dapat atasan ang mga car dealer na huwag magbenta ng sasakyan sa sinumang buyer kung walang maipapakitang katunayan na mayroon syang parking space. Maaari namang bigyan ng hanggang tatlong buwan ang prospective car owners na nakahanap ng parking space at alisin na sa kalsada ang kanilang sasakyan.

Kung malilinis aniya ang mga kalye sa mga nakaparadang sasakyan magagamit ito bilang secondary roads sa mga motorista upang hindi lahat ay maipon sa EDSA.

Batay report ng Chamber of Automotive Manufacturer of the Philippines Inc. tumaas ng 21% ang bentahan ng sasakyan sa first semester pa lamang ng taon.

Umabot sa 131, 455 ang mga sasakyang nabenta first semester ng 2015 kumpara sa 108,957 noong nakaraang taon sa kaparehong panahon. Dumalo sa pagdinig ang ilang car dealers subalit pag-aaralan daw muna nila ang panukalang batas bago magbigay ng kanilang posisyon.(Grace Casin/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,