Bulto-bultong mga dokumento ang bitbit ng mga kongresistang miyembro ng independent minority. Dito nakasaad ang grounds sa impeachment complaint na kanilang inihain laban sa pitong mahistrato ng Korte Suprema na sina Teresita De Castro, Lucas Bersamin, Diosdado Peralta, Francis Jardaleza, Noel Tijam, Andres Reyes, at Alexander Gersmundo.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, culpable violation of the constitution ang kanilang grounds laban sa pitong SC associate justices, habang may hiwalay na akusasyon ng betrayal of public trust laban kina De Castro, Peralta, Bersamin, Tijam at Jardaleza dahil sa kanilang pagharap sa House committee on justice sa kasagsagan ng impeachment complaint ni Sereno.
Pagpapakita umano ito ng bias dahil sa kabila ng paghahayag nila ng sama ng loob kay Sereno sa Kamara ay hindi pa rin sila nag-inhibit sa pagboto sa quo warranto petition.
Hindi na isinama sa reklamo si Ombudsman Samuel Martires dahil wala na ito sa posisyon bilang associate justice.
Sina De Castro, Bersamin, Reyes at Peralta ay ang mga nominado ngayon bilang susunod na chief justice.
Pero base sa rules ng JBC, sinomang aplikante na may kinakaharap na kasong kriminal at administratibo ay hindi na maaari pang i-nominate o i-appoint sa anomang posisyon sa judiciary.
Wala pa naman tugon ang mga mahistrado sa reklamo laban sa kanila.
( Grace Casin / UNTV Coresspondent )