Ininspeksiyon kanina ng mga miyembro ng House Committee on Metro Manila Development ang depot ng MRT-3 sa North EDSA, Quezon City.
Layon nito na makita ang posibleng epekto sa mga commuter at establisimyento ng itatayong common station na magdurugtong sa LRT Line 1 at Line 3 at 7 ng MRT.
Sa assessment ng mga mambabatas, dapat pa ring masunod ang orihinal na plano ng proyekto na binalangkas noong 2009 kung saan nakasaad na sa tabi ng SM annex itatayo ang common station sa halip na sa pagitan ng SM at Trinoma malls sa North EDSA.
Ayon sa mga mambabatas, mas kumbinyente ang unang plano dahil hindi na kailangang lumakad ng limampu hanggang dalawandaang metro ang mga pasahero para makalipat sa ibang linya ng tren.
Tila mas pabor din umano sa interes ng mga negosyante ang bagong project plan ng common station kaysa sa kapakanan ng publiko.
Ngunit depensa ng transportation department, ito na ang pinakamaaayos na lugar na paglalagyan ng common station upang maiwasan ang mabigat na trapiko sa bahaging ito ng EDSA.
Nilinaw naman ng DOTr na memorandum of understanding pa lamang ang pinirmahan nila noong Enero dahil hinihintay pa nila ang detailed engineering design ng proyekto.
Pagkatapos nito, saka pa lamang sila dudulog sa Korte suprema upang hilinging bawiin na ang Temporary Restraining Order bago masimulan ang konstruksyon sa proyekto.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: House Committee on Metro Manila Development, iginiit na dapat masunod ang orihinal na plano sa MRT-LRT common station project