Hotline numbers na maaaring tawagan hinggil sa mga katanungan hinggil sa implementasyon ng K to 12 ngayong pasukan, binuksan ng DepEd

by Radyo La Verdad | May 24, 2016 (Tuesday) | 3006

DEPED
Halos tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago ang muling pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa elementary at high school sa buong bansa.

Ngayong taon na uumpisahan ng Department of Education ang implementasyon ng Senior High School o ang pagpasok ng grade 11, na bahagi ng enhanced basic education o K to 12 program.

Kaugnay nito, inaasahan na ng kagawaran ang pagdagsa ng mga inquiry mula sa mga mag-aaral at mga magulang, kaya naman binukasan na ng DepEd ang hotline number nito upang tumugon sa mga katanungan hinggil sa Senior High School.

Sa lahat ng may mga nais malaman ukol sa K to 12, maaring tumawag sa Senior High School hotline number sa 667-11-18 na bukas simula lunes hanggang biyernes alas sais ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Tatagal ang Senior High Hotline hanggang sa ika-30 ng Hunyo.

Samantala, muling tiniyak ng DepEd na patuloy ang kanilang ginagawang paghahanda para sa pagsisimula ng Senior High School ngayong taon.

Sa kabila ng walang tigil na pagbatikos sa pagpapatupad ng K to 12, siniguro naman ng mga opisyal ng education department na handa ang kagawaran na sumunod sakali mang ipautos ng susunod na administrasyon ang pagpapatigil sa implementasyon ng programa.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: ,