Unti-unti nang napupuno ng mga pasyente ang ilang ospital sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng Covid-19.
Ayon kay Treatment Czar at Department of Health Undersecretary Doctor Leopoldo Vega, nasa walumpung porsyento na o nasa high-risk level na ang hospital utilization sa mga lungsod ng San Juan, Marikina at Quezon City.
“Itong pagtaas ngayon nitong january na ito, nakita namin na hindi na pareho ang trajectory ng pagtaas ng bilang ng kaso”, ani Usec. Leopoldo Vega, Treatment Czar/Head, One Hospital Command Center.
Pero sa kabila nito sinabi ni Usec. Vega na umaabot pa lamang sa 60 percent ang average capacity o nasa moderate risk pa rin ang hospital utilization rate sa kabuoan ng National Capital Region.
Paliwanag nito, nagiging high-risk lamang ang hospital utilization rate sa ilang syudad dahil nakabatay rin ito sa laki ng kanilang populasyon.
May ilang syudad aniya ang maliliit lamang ang mga ospital kung saan iilan lamang ang bed capacity kaya’t madaling mapuno ang mga ito. Kaya naman kahit may mga mapupuno nang ospital, sinabi ng DOH official na kakayanin pa rin ng mga ospital na serbisyuhan ang dumaraming bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19.
At para mabawasan ang bilang ng mga pasyente sa mga punuang ospital, inirerekomenda ng DOH na ilipat na muna ang ibang pasyente sa mga lugar na may mababang hospital utilization rate.
Samantala, umaabot na sa 3,114 na mga health worker ang tinamaan ng Covid-19 at kasalukuyang naka-isolate ayon sa DOH.
Ayon pa kay doctor Vega, nagkakaroon ngayon ng breakthrough infection o re-infection sa mga health worker.
May ilang ospital aniya ang nagbabalak na isara ang iba nilang serbisyo upang mapagkasya ang natitirang manpower para serbisyuhan ang Covid-19 wards.
Sa ngayon ay inihahanda na ng inter-agency task force ang magiging deployment ng mga uniformed personnel na health workers para sa augmentation sa mga ospital.
“Gumagawa na kami ngayon ng memorandum of agreement para sa afp, Bureau of Fire and Protection, sa pulis paga magkaroon tayo ng deployment ng uniformed personnel across”, dagdag ni Usec. Leopoldo Vega.
Sa ngayon ay nagdadagdag na rin ng mga hotel para sa karagdagang isolation facilities.
Ayon sa DOH, hindi pa dapat isailalim sa alert level 4 ang NCR dahil hindi pa naman lumalagpas sa 70 percent ang kabuoang hospital utilization rate sa rehiyon.
Aileen Cerrudo | UNTV News
Tags: Covid-19, DOH, Hospital utilization rate