Honesty bus, aarangkada na sa mga lansangan

by Radyo La Verdad | July 30, 2018 (Monday) | 5972

Bibiyahe na ngayong araw sa ruta ng Taytay, Rizal patungong Quiapo, Manila ang pinakabagong honesty bus na inilunsad ng isang pribadong kumpanya.

Mula sa bansag na honesty bus, bibiyahe ito ng walang kondutor na maninigil ng pamasahe.

Sa halip, mismong ang pasahero ang siyang maghuhulog ng kanyang pamasahe sa box na makikita pagpasok sa unahan at gitnang pintuan ng bus.

Mayroong nakapaskil na fare matrix o taripa sa loob ng bus upang malaman ng mga pasahero kung magkano ang babayaran nilang pamasahe at sila na rin ang mismong kukuha ng tiket.

Nagkakahalaga ang pamasahe ng 12 hanggang 50 piso depende sa destinasyon ng pasahero.

Ayon sa operations head ng G-Liner na si Ricardo Himino, ginawa ang naturang konsepto upang maituro sa mga Pilipino ang kahalagahan ng pagiging matapat at masolusyunan ang kakulangan nila sa mga tauhan.

Noong Sabado ay isinailalim sa dry-run ang honesty bus.

Sa ngayon ay iisa pa lamang ang bibiyaheng unit nito subalit plano ng operator nito na magdagdag pa ng apat na unit sa susunod na buwan.

Challenging naman para sa ilang mga pasahero ang kakaibang konsepto ng honesty bus.

Bagaman hindi isinasantabi ng G-Liner ang posibilidad ng pagkalugi sakaling maraming mananamantala, ito anila ang susunod nilang titingnan at pag-aaral sa mga susunod na panahon.

Ang importante anila sa ngayon, masubukan muna kung magiging epektibo ang sistema ng honesty bus.

 

( Jennica Cruz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,