Home service vaccination sa Maynila, nagsimula na

by Radyo La Verdad | April 20, 2021 (Tuesday) | 628

METRO MANILA – Opisyal nang pinasimulan ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang home service vaccination kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) para sa mga residenteng bedridden.

Ayon sa datos ng Manila Health Department (MHD), umabot na sa 98 ang kabuoang bilang ng nabakunahan sa programang ito mula Abril 16 hanggang alas-5:30 ng hapon nitong Linggo (Abril 18).

Matatandaang noong Abril 12 ay naglabas ng memorandum si Manila Mayor Franciso ‘Isko Moreno’ Domagoso para sa lahat ng punong barangay kaugnay sa pagsusumite ng listahan ng mga bedridden sa kanilang komunidad.

“Ibig sabihin nito, ‘yung mga bedridden na mamamayan na 18 years old pataas. Hindi lang yung senior citizens. Basta itala nila at i-email sa amin ang listahan. Pagkatapos nito, tatawagan ng MHD ang pamilya at tatanungin kung pinapayagan ng kanilang doktor na mabakunahan ang pasyente. Kapag sinabing pwede, ang Pamahalaang Lungsod ay magpapapunta sa kanila ng mga taga-MHD para mabakunahan na,” ani Manila Mayor Franciso ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Samantala, hinikayat din niyang makipag-ugnayan sa barangay ang mga kaanak ng pasyente upang matiyak na kabilang sila sa listahan.

(Rhuss Egano | La Verdad Correspondent)

Tags: