Holiday goods, hindi lahat nagtaas ng presyo

by Radyo La Verdad | November 22, 2017 (Wednesday) | 4118

Nagpulong ang National Price Coordinating Council sa pangunguna ng Department of Trade and Industry. Dito inilatag ng iba’t-ibang industriya, business at consumer sector ang kanilang posisyon para sa presyo at suplay ng holiday goods.

Ilan sa mga holiday goods na  mino-monitor ng DTI ang ham, fruit cocktail, cheese, sandwich spread, mayonnaise, keso de bola, pasta, macaroni, spaghetti sauce, tomato sauce at creamer.

Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, may ilan sa mga ito ang bahagya nang  nagtaas ang presyo ngunit naaayon pa rin naman sa itinakda na suggested retail price. Gaya na lamang ng fruit cocktail, premium brand pasas at ilang canned goods.

Hindi naman dapat mabahala ang publiko dahil may sapat na suplay ang mga produkto ngayong holiday season.

Ayon naman sa Phil. Amalgamated Supermarket Association, dapat lang maging wais sa pamimili ng mga produkto lalo na ngayong holiday season.

Samantalahin din aniya ang pagbili ng mga produktong naka-bundle na o sama-sama sa iisang basket dahil mas matipid ito at abot kaya ng budget.

Samantala, minomonitor din ng DTI ang presyo ng construction materials gaya ng semento lalo na sa Marawi City kasunod ng mga ulat na may nananamantala dito.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,