Hog raisers, nanawagan na taasan pa ng pamahalaan ang itinakdang presyo sa karneng baboy sa pamilihan

by Erika Endraca | February 17, 2021 (Wednesday) | 3329

METRO MANILA – Nasa P320 kada kilo na lang ngayon ang pinakamataas na presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan matapos ipatupad ang price ceiling sa Metro Manila.

Ayon kay Agriculture Sec. Secretary William Dar, bunsod na rin ito ng pagdating ng mga baboy mula sa iba’t ibang lugar.

Sa ngayon, umabot na sa halos 37,000 baboy ang nadadala dito.

May ayuda ito sa transportasyon para mas mababang maibigay sa mga vendor.

May halos 30 bilyong piso din aniya na nakalaang pondo mula sa gobyerno at pribadong sektor para sa pagpaparami ng baboy at pagsugpo sa asf kung saan ang malaking bahagi nito ay ang pautang sa mga backyard at commercial hog raisers.

“We from the Department of Agriculture – ACPC ay nagbibigay ng pautang, zero interest, 5 million kada meat vendors association dito sa Metro Manila” ani Department of Agriculture William Dar.

Pero apela ng grupo ng mga nagaalaga ng baboy, taasan pa ang price ceiling para maengganyo ang mga ito na patuloy na mag-alaga kahit na may banta parin ng african swine fever.

Paliwanag nila, kahit may pautang na iniaalok ang gobyerno ay hindi naman interesado dito ang mga hog raiser.

Ayon sa ekonomista at Marikina Representative Stella Quimbo, palalalain lamang ng price ceiling ang problema sa supply at presyo ng baboy.

Sa halip aniya ay bigyan ng ayuda ang mga nagaalaga ng baboy ay babaan ang taripa ng mga aangkating karne para maiwasan narin ang smuggling.

Ayon naman sa National Bureau of Investigation, patuloy silang nagsasagawa ng imbestigasyon sa alegasyon ng manipulasyon sa supply ng pork.

Nais din ng mga producer na sakupin na ng indemnification program ng DAang mga commercial raisers kung saan gagawing 10,000 ang bayad sa bawat baboy na papatayin kapag tinamaan ng ASF.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,