Nakadetine na sa General Assignment Investigation Section ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaking hinihinalang swindler matapos itong makabiktima ng mga estudyante sa Manila.
Arestado ang suspek na kinilala na si Ray Mark Mollenido, 26-anyos na tubong Bacolod.
Ayon sa reklamo ni Gerome Hernandez, 19-anyos na estudyante ng De La Salle University, nagpakilalang event organizer ang suspek.
Dahil magaling din magsalita ang suspek ay mabilis umano silang napaniwala na ipinagkatiwala dito ang pag-oorganize sa kanilang event na isasagawa sa Hunyo.
Humihingi ito ng sa kanila ng 60 thousand pesos kapalit ng kanyang serbisyo at para sa gastusin sa event at nagbigay naman sila ng thirty six thousand bilang paunang bayad.
Ngunit lumipas ang isang buwan ay wala pa ring development sa proyekto na kanilang ipinagagawa sa suspek.
Napansin din nila na wala itong binigbigay na resibo at nang kumpirmahin nila sa manager ng isang banda na kinuha umano ng suspek para mag perform sa event ay sinabi nito na wala umanong nangyayaring transakyon.
Dito na pumunta sa pulis ang mga estudyante para maghain ng reklamo.
Agad namang ikinasa ang entrapment operation sa suspek.
Makikipagkita ang mga estudyante sa suspek sa isang hotel para ibigay ang hinihingi nitong karagdagang bayad.
Agad na hinuli ng mga otoridad ang suspek matapos maibigay ang 20 libong piso ang mga biktima.
Ayon naman sa suspek hindi naman umano siya nanloloko at nangako na ibabalik na lang ang 61 thousand na nakuha sa mga estudyante.
Sa ngayon ay patuloy na ang imbestigasyon ng mga pulis at sinampahan na ng kasong estafa thru swindling ang suspek.
(Reynante Ponte/UNTV NEWS)