Hindi patas na pagtrato ng pamahalaan sa Manila Street Dwellers at biktima ng bagyong Yolanda, binatikos ni Sen. Chiz Escudero

by Radyo La Verdad | November 10, 2015 (Tuesday) | 1560

escudero photo  tutol
Hindi nakaligtas ang pamahalaan sa pambabatikos ng isang senador dahil sa umano’y hindi patas na pagtrato ng gobyerno sa mga pamilyang naninirahan sa mga kalye ng Maynila at mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda.

Puna ni Senator Chiz Escudero, mabilis ang pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan para lang maitago sa paningin ng mga delegado sa nalalapit na pulong ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) ang mga batang kalye at kanilang mga pamilya sa Maynila.

Ito ay sa kabila ng may mahigit 200,000 na pamilya ang nananatili pa rin sa mga bunkhouses o pansamantalang tirahan, matapos manalasa ang bagyong Yolanda, dalawang taon na ang nakakaraan.

Ayon sa nakarating na ulat sa senador, namigay umano ang pamahalaan ng apat na libong piso sa bawat pamilyang naninirahan sa lansangan para makahanap ang mga ito ng matutuluyan at nang hindi sila magpakalat-kalat habang nagaganap ang mga pulong para sa APEC mula November 15 hanggang 20.

Dagdag pa ni Escudero, na mas garapal umano ang ginawa ngayon ng Department of Social Welfare and Development kumpara noong bumisita sa bansa noong Enero ang papa sa Roma, kung saan dinala ang mga batang kalye at kanilang pamilya sa isang resort sa Cavite.

Ngunit depensa ng Malakanyang, ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang ginawa ng pamahalaan ay isang uri lamang ng conditional cash transfer o CCT.

Dahil dito, pinagpapaliwanag ni Escudero ang Malakanyang hinggil sa kabiguan nitong mabigyan ng permanenteng tirahan ang may 205,128 na pamilyang nawalan ng tahanan nang manalasa ang bagyong Yolanda noong 2013.

Ayon na rin sa datos ng pamahalaan, may 298 na pamilya pa lamang ang napagkalooban ng permanenteng tahanan.

Hinamon rin ni Escudero ang gobyerno na pagkalooban din ang mga nasalanta ng Yolanda ng P660 kada araw o kaya’y matagalang pananatili sa isang resort para lang maipakita nito ang pagiging consistent at katapatan nito sa pagtulong sa mahihirap.

(Meryll Lopez/UNTV Radio Reporter)

Tags: , , ,