Hindi pagsasapubliko ng brand ng COVID-19 vaccine, utos ni Pres. Duterte

by Radyo La Verdad | May 21, 2021 (Friday) | 1776

METRO MANILA – Tila hindi nagustuhan ni Pang. Rodrigo Duterte ang scenario sa isang mall sa Paranaque City kung saan dumagsa at halos magkumpulan ang mga taong nais makatanggap ng Pfizer Biontech COVID-19 vaccine.

“Unang-una, si Presidente po ang nag-utos niyan, dahil nakita nga po niya yung kawalan ng social distancing dun sa ilang lugar na ina-announce ang pagbabakuna ng Pfizer” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Ito ang nag udyok sa pangulo para ipag-utos na huwag nang sabihin sa publiko ang brand ng bakuna na ibibigay sa mga vaccination site sa bansa.

Kaalinsabay nito, iniutos din ng presidente ang paggamit sa Pfizer COVID-19 vaccines ng Covax facility sa vaccination sites na nasa mga barangay.

“Ipinag-utos din po ng Pangulo na ibigay ang Pfizer sa mga mahihirap at indigent population dahil yan po ang patakaran ng Covax at dagdag ni presidente, ilagay sa Pfizer hindi sa mga mall kundi sa mga vaccination sites ng mga barangay kung saan mababa ang take ups ng mga vaccine” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Giit ng palasyo, pantay-pantay ang lahat ng mga bakunang aprubado sa Pilipinas.

Hindi naman maituturing na kawalan ng transparency ang non-disclosure ng vaccine brand dahil dumaan ang mga ito sa masusing pag-aaral at proseso upang matiyak na ligtas at epektibo.

“So the full transparency is the best vaccine is the vaccine that will be given to you.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Hindi naman naniniwala ang palasyo na makapagpapaigting pa ang non-disclosure policy ng vaccine brand sa vaccine hesitancy ng publiko.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: