Hindi pagkakasama ng PNP-CIDG sa 2014 Bilibid raid, may basbas ni De Lima – dating BuCor chief

by Radyo La Verdad | October 7, 2016 (Friday) | 990

bucayu
Inulan ng tanong mula sa mga mambabatas sa ginawang pagdinig kahapon ng House Committee on Justice si dating Bureau of Corrections Director Franklin Bucayu kaugnay ng kaniyang nalalaman sa nagiging kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons.

Dumipensa si Bucayu sa tanong kung ano ang kaniyang nalalaman sa ginagawang pagbisita noon ni De Lima sa loob ng bilibid partikular sa kubol ni Jaybeee Sebastian.

Kaugnay naman ng naganap na raid sa Bilibid noong 2014, ayon sa dating BuCor chief pinadalo siya ni De Lima noong October 2014 sa pagpupulong kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation kaugnay ng paglutas sa kriminalidad sa loob ng Bilibid.

Dito napansin ni Bucayu na hindi na kasama ang PNP-Criminal Investigation And Detection Group na kung saan sa orihinal na plano ay kasama ito sa operasyon.

Pinabulaanan rin ni Bucayu na hinarang nila ang Oplan Cronus ng CIDG na gaya nang unang inihayag ni General Benajamin Magalong sa mga unang pagdinig ng Lower House.

Si Bucayu ang isa sa mga itinuturo ng Bilibid inmate na Jojo Baligad na tumatanggap ng 1.7 million pesos upang payagan ang paglaganap ng iligal na kalakalan ng droga sa Bilibid na pinabulaanan naman kahapon ng dating BuCor chief.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: , ,